Ang Babaeng Birhen sa "Kailan Sasabihing Mahal Kita" (Garcia, 1985)

Originally posted on April 9, 2013

Ang pagiging "wholesome" ang naging bentahe ni Sharon Cuneta sa pelikula. Ang kaniyang imahen ay uminog sa kanyang sinasabing natural sweetness at pagiging ever-obedient, ever-loving daughter ng kanyang mga magulang. Pumasok sa kasagsagan ng bold era, maaaring siniguro ng mga taong nakapaligid sa kanya na tataliwas siya sa pinapakitang laman ng mga pelikulang kabilang sa naturang era. Sa kanyang first years in show biz, hindi siya kailanman sumubok na magpakita ng laman. Madalas ay balot na balot ng kasuotan ang kanyang katawan kahit siya pa ay nasa beach--in contrast sa mga kaibigang kasama niya na nakasuot ng swimsuit. (Though more than her supposedly wholesome image, Sharon is said to have not enough confidence in wearing swimsuits at that time.) Hindi rin siya nakipaghalikan sa kanyang mga leading men. Malaki ang pagpapahalaga ng kanyang (mga) karakter sa dangal ng kanyang pagkababae. Sa madaling sabi ay epitome ng pagiging birhen (virgin) na siyang bukod tanging pinahahalagahan ng kanyang karakter (at mga nakapaligid sa kanya) sa pelikulang Kailan Sasabihing Mahal Kita (Eddie Garcia, 1985).

Nagsimula ang suliranin ni Arra (Sharon) nang makita siya ng kanyang Auntie Teresing (Virgie Montes) na palabas ng motel habang nakasakay sa sasakyan ng kanyang kasintahang si Henry (Joel Alano). Galit na galit ang kanyang amang si Bob (Eddie Rodriguez) nang malaman ito. Halos bugbugin siya nito sa galit na hindi pa sasapat dahil para rito ay hindi na kailanman malilinis ang duming nilagay nito sa kanilang pangalan. Kahit pa buong tangging sinasabi ni Arra na walang nangyari sa kanila ni Henry at handa siyang magpa-check up upang mapatunayan ito ay hindi siya pinaniniwalaan ni Bob. Ang pakasalan siya ni Henry ang magiging solusyon lamang sa kahihiyang dinulot nito sa kanya.

Sumugod si Bob at ang kanyang pamilya sa tirahan nina Henry at ng kanyang mga magulang. Nagwawala ito at pinagsisigawang kailangang pakasalan ni Henry si Arra. Subalit tinatago si Henry ng kanyang mga magulang. Hindi pa silang handang ipakasal ang kanilang anak, at hindi rin sila nakakasisigurong si Henry ang nakauna kay Arra.   

Naging hopeless si Bob. Kailangang may magpakasal kay Arra upang maisalba ang kanilang dangal. Nagdesisyon silang ipakasal ito kay Romy (Vic Diaz) na 25 years ang tanda rito at "pagkapangit-pangit," ayon sa isang kakilala.


Naging desperate si Arra. Hindi niya gustong makasal sa taong hindi niya mahal. Tila death sentence ito para sa kanya.Naisip niyang maglayas. Sa tulong ni Jake (Christopher de Leon) ay nagpunta siya ng Maynila upang malayo kay Romy at sa kanyang pamilya. Sa kanyang paglalayas ay panibagong pagsubok na naman ang kaniyang kinaharap subalit hindi na siya mag-isang humarap dito. Kasama na niya si Jake na humarap sa mapaghusgang pamilya at lipunan.

Tila na-time warp ako sa panonood ng pelikulang ito. '80s ito subalit pakiramdam ko ay naka-set ito noong '50s. Hindi ako makapaniwala sa mga ideolohiyang napapaloob dito kung saan ang virginity ng babae ang pinakamahalaga above all else. Hindi na mahalaga kung siya ba ay mabuting tao. Sa oras na mawala ang kanyang iniingat-ingatan virginity ay nawawala na rin ang kanyang halaga sa lipunan. Mababa ang magiging pagtingin sa kanya at kukutyain na tila may dalang nakakahawang sakit. Kahiya-hiya na siya maliban na lamang kung pakasalan siya ng lalaking umangkin sa kanya o isalba ng ibang lalaking tatanggap sa kanyang "kakulangan".

Ang pelikulang ito ay tila komentrayo sa itinuturing na "loose morals" ng mga kabataan at lipunan at maging sa mga namamayagpag na tema ng pelikula sa panahon iyon. Sa isang eksenang pag-uusap ni Jake at ng kanyang ina na si Amelia (Armida Siguion-Reyna), wika ni Amelia ay wala nang tinatago ang mga babaeng nasa pelikula ng ECP (Experimental Cinema of the Philippines). "Sa panahon ngayon ay mahihirapan ka nang humanap ng birhen," dagdag nito. Sa kabilang banda, sa umpisa ng pelikula, si Arra ay nagsabi kay Henry, "Premarital sex is wrong."

Hindi naman masamang bigyang kahalagahan ang virginity ng isang babae (o maging ng isang lalaki). Isa itong paniniwalang dapat irespeto. Subalit ang hindi katanggap-tanggap para sa akin ay ang iangkla mo ang iyong buong pagkatao rito (at paniwalaan ito ng lahat). Na tila ito na ang kaisa-isang bagay na dapat pahalagahan at pagkaingatan. Na tila kasabay ng pagwala nito ay ang pagkawala ng iyong pagkatao at respeto sa sarili (at ng ibang tao sa iyo).

Pinakasalan ni Jake si Arra upang iligtas ito sa kahihiyan. Pagtatanan ang tingin ni Bob sa ginawang pagsama ni Arra kay Jake at hindi niya matatanggap ang anak kung hindi ito pakakasalan ng lalaki. "Kasal sa papel" ang tawag nina Arra at Jake dito sapagkat nagpapanggap lamang sila. Makalipas ang dalawang taon ay ipapasawalang-bisa nila ito. Bukod pa rito ay engaged si Jake kay Arriane (Cherie Gil).

Sa dulo ay hinarap na rin ni Arra ang katotohanan. Sinabi niyang "peke" ang kanyang naging kasal kay Jake. Hindi na niya kayang magpanggap pa at hiyang-hiya na sa kanyang ginagawang pagsisinungaling. Mas ninais pa niyang harapin ang panibagong galit ng ama kaysa idamay pa ang ibang tao sa isang suliranin na dulot lamang ng maling paniniwala at kahinaan niya ng loob. Sa kabila ng mga hindi magandang pangyayari ay nagkaroon ng malaking pagbabago kay Arra. Nakita niyang ang mga values na dapat mas bigyang-halaga (ang pagiging totoo sa sarili at sa ibang tao) at ang ipaglaban ang sarili sa maling paniniwala ng iba.


Nakakatawang isipin ang pagpapahalagang binibigay ng pelikula sa virginity subalit binabalewala lamang ang pagiging sagrado ng kasal. A way out lamang ang turing sa kasal at wala nang iba pa. Ano ba ang tinatawag na "kasal sa papel" gayong nagsumpaan sila sa harap ng altar? Hindi ba binibigyang halaga ang mga sumpaang binibitawaan sa harap ng altar? Mas mabuti bang maging birhen kaysa maging sinungaling at mapagpanggap? Mas mabuti bang magpanggap sa harap ng altar kaysa pag-usapan ng mga tao sa paligid? Mas mahalaga ba ang sasabihin ng iba kaysa sa sinasabi ng anak?

Are these the values we should put premium on?

Comments

Popular Posts